by the Local Communications Group-Gen. Trias
April 20, 2015 (General Trias, Cavite) – Mahigit 500 volunteers mula sa Lokal na Pamahalaan ng General Trias at 40 private companies ang nagtipon-tipon sa liwasang bayan upang gunitain ang taunang Global Earth Day nitong nakaraang Sabado ng umaga, April 18. Layon ng nasabing pagdiriwang ang pagpapaigting sa kampanya upang pangalagaan ang kalikasan, gayundin ang imulat ang publiko sa mga environmental issues na nakakaapekto sa ating pamumuhay. Bahagi rin ng pagdiriwang ang tree planting activity at paglilinis ng ilang bahagi ng Rio Grande River sa Barangay Arnaldo, Vibora at Prinza.
Kasabay din nito ginanap ang launching ng Imus Ylang-Ylang – Rio Grande Water Quality Management Area (YRR-WQMA) kung saan ang bayan ng General Trias ang napiling host ng programa. Layon nitong i-rehabilitate ang mga nabanggit na ilog para sa kapakanan ng mga Caviteño. Dumalo rito ang ilang opisyales mula sa DENR Environmental Management Bureau Region IV-A, Pamahalaang Panlalawigan, mga karatig na bayan, si Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Sangguniang Bayan at mga kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office ng General Trias.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Mayor Ferrer ang importansya ng pangangalaga sa kalikasan upang maiwasan ang mga sakunang hatid ng climate change. Aniya, dapat magtulong-tulong ang lahat ng sektor ng lipunan para sa isang malinis at luntiang pamayanan.
Photo by: MENRO