by the Local Communications Group-Gen.Trias
Agosto 26, 2014 (General Trias, Cavite) – Pinirmahan noong Agosto 22, 2014 ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Atty. Donna Mae Tiongson-Jordan, kinatawan ni Cong. Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV at ni Provincial Agrarian Reform Officer, James Arthur T. Dubongco ng Department of Agrarian Reform (DAR), ang kasunduan para sa implementasyon ng Community-Managed Potable Water Supply and Sanitation (CP-WASH) project sa Barangay Buenavista at Pasong Kawayan II.
Layon ng programa na magkaroon ng access ang mga Agrarian Reform Beneficiary (ARB) households at maging mga paaralan sa malinis na tubig gamit ang abot-kaya at nararapat na teknolohiya na kayang-kayang pangasiwaan at pagyamanin ng komunidad. Ayon kay National CP-WASH Pointperson, Norberto S. Quite, target nilang makapagtayo ng mga rain water collectors sa mga paaralan sa General Trias gayundin ng mga biogas waste water treatment system sa mga barangay na siyang magiging alternatibo sa liquefied petroleum gas. Dagdag pa niya, bukod sa malinis na tubig at kapaligiran, makakapagbigay din ito ng kabuhayan sa mga beneficiary communities.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan naman ni Mayor Ony Ferrer ang DAR para sa pagpili sa General Trias bilang pilot municipality sa Cavite. Hinimok niya ang mga stakeholders na magtulong-tulong upang ma-sustain ang napakagandang proyektong ito.
Dumalo rin sa MOA signing na ginanap sa Board Room ng Munisipyo ng General Trias sina Vice Mayor Maurito C. Sison, Barangay Chairman Anastacio L. Alcantara ng Pasong Kawayan II, Dr. Edna Bayot, District Supervisor ng General Trias District I, at mga opisyal at kawani ng DAR.
Photo Credits to: Marjorie Colico