by the Local Communications Group-Gen. Trias
Ang mga kawani ng ating pamahalaang lokal ang silang mga direktang nakikipag-ugnayan sa mga mamamayan sa pamamagitan ng iba’t ibang serbisyong kanilang inihahatid sa mga kliyente. Upang matiyak na sila ay may sapat na kakayahan at kaalamang naaangkop sa kani-kanilang mga gawain, ipinatutupad ng Civil Service Commission (CSC) ang mga panunutunan sa pagpapanatili ng propesyunalismo at dekalidad na serbisyo sa mga kawani ng gobyerno.
Ang Performance Evaluation System o PES ay isa sa mga pangunahing paraan upang masukat ang kalidad ng output at efficiency mga empleyado ng pamahalaan. Ngunit bunga ng masusing pag-aaral, inirekomenda ng CSC na ang bawat tanggapan ng pamahalaan, kabilang ang local government units (LGU), ay magpatupad ng Strategic Performance Management System (SPMS) at Strategic Human Resource Plan (SHRP) kapalit ng PES.
Mula pa sa mga unang araw ng panunungkulan ng Punong Bayan, Kgg. Antonio “Ony” Ferrer, ay binigyang diin na niya ang dedikasyong mas pagbutihin ang serbisyong hatid ng bawat kawani sa mga GenTriseño. Alinsunod dito ay daglian ang naging pagtugon ng lokal na pamahalaan sa direktiba ng CSC. Noong ika 10-12 ng Setyembre, ang mga kawani ng Pamahalaang Bayan ng General Trias ay agad na sumailalim sa isang seminar workshop patungkol sa SPMS at SHRP na pinangunahan ng Civil Service Commission Cavite and Batangas Field Offices Directors, Bb. Charity Arevalo at Bb. Maria Theresa Poblador.
Sa ilalim ng mga bagong sistemang ito, magiging mas malinaw ang direksyon ng bawat kawani dahil iaangkla ang kani-kanilang mga gawain sa pangunahing pananaw at adhikain ng munisipyo. Gayundin, detalyadong mailalatag ang mga hakbang para matagumpay na maisasakatuparan ang bawat layunin base sa kakayahan at pangangailangan ng mga manggagawa. Sa pamamagitan din nito, mas madaling malalaman ang mga aspeto at kakayahang dapat pagyayamanin o baguhin (areas for improvement) ng indibidwal at ng organisasyon.
Sa kasalukuyan ay unti-unti nang nabubuo ng Human Resource Management Office at ng mga key officials and employees ang Strategic Performance Management System (SPMS) at Strategic Human Resource Plan (SHRP) na kanilang isusumite sa CSC upang maaprubahan. Inaasahang sa pagpapatupad ng mga sistemang nabanggit ay lalo pang magiging masigasig ang bawat empleyado sa mahusay na paglilingkod sa mga mamamayan.