by the Local Communications Group-Gen. Trias
July 21, 2015 (General Trias, Cavite) – Bilang bahagi ng programang pangkalusugan ng lokal na pamahalaan ng General Trias, partikular ang enhancement ng emergency response capability nito, nag-turnover ng isang bagong ambulansya si Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer sa Rural Health Unit (RHU) nitong Lunes, July 20, 2015, sa liwasang bayan, na sinaksihan ng mga barangay officials at mga kawani ng munisipiyo. Ang ambulansyang ito ay pinondohan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PSCO) at ng lokal na pamahalaan.
Kasama ni Mayor Ferrer si Vice Mayor Maurito “Morit” Sison at mga Sangguniang Bayan Members nang opisyal na tanggapin ni Dr. Sesinand Talosig ng RHU ang bagong emergency response vehicle. Ayon sa alkalde, patuloy ang implementasyon ng mga programang magpapabuti ng serbisyo ng lokal na pamahalaan, hindi lamang medikal, maging social services at pang-imprastruktura. Umano’y bunga ito ng maayos at responsableng pamamahala ng kaban ng bayan. Nagpapasalamat din si Mayor Ferrer sa suportang ibinibigay ng mga National Government Agencies tulad ng PCSO, na patuloy na nagiging katuwang sa pagpapaunlad sa bayan ng General Trias. Noong nakaraang buwan ay tumanggap din ng isang bagong ambulansya ang lokal na pamahalaan mula naman kay Congressman Luis “Jon-Jon” Ferrer IV ng ika-6 na Distrito ng Lalawigan ng Cavite.
Photo by: Grace Solis