by the Local Communications Group-Gen. Trias
December 1, 2014 (General Trias, Cavite) – “Usok Mo, Banta sa Kalusugan Ko”, yan ang tema ngayong taon nang ipinagdiwang ng Lokal na Pamahalaan ng General Trias ang Clean Air Month, kung saan nag kaisa ang mga lokal na opisyal at mga ordinaryong mamamayan na isulong ang isang mas malinis at malusog na komunidad. Sa kick off na ginanap sa town plaza noong November 24, binigyang diin ni Dr. Renato Escurel – Municipal Environment and Natural Resources Officer ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan ng ating kapaligiran at paghinto sa mga gawaing nagiging sanhi ng air pollution. Dagdag pa niya, noong araw ay hindi natin inakalang darating ang panahon na ang malinis na tubig ay kailangan nating bilihin, kaya’t hinimok niya ang lahat na kumilos upang hindi umabot sa puntong pati ang malinis na hangin ay may katumbas na ring halaga.
Hindi lamang polusyon ang focus ng kampanyang ito, kundi pati na rin ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong gusali,na nagdudulot rin ng health risk sa mga nakakalanghap ng usok o secondhand smokers. Dahil rito’y pinangunahan ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang unveiling ng No Smoking signage sa munisipiyo kasama si Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.Sa kanyang mensahe, ipinaaabot niya ang kanyang pagsuporta sa mga environmental protection programs ng MENRO, at ipinangakong maglalabas ng Executive Order na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pasilidad ng lokal na pamahalaan.Pinasalamatan din ni Mayor Ferrer ang mga kawani ng MENRO at ang mga miyembro ng Task Force Bantay Kalikasan ng General Trias, dahil sa kanilang dedikasyon sa tungkulin na mapanatiling malinis ang kapaligiran.