by the Local Communications Group-Gen. Trias
Ika- 24 ng Enero, 2014 – Napiling gawing katuwang ng Cavite Librarians Association, Incorporated (CLAss) ang bayan ng General Trias para sa kanilang General Assembly at Forum kamakailan. Ang nasabing pagtitipon ay ginanap sa General Trias Municipal Hall Audio Visual Room at dinaluhan ng 240 registered librarians at teacher librarians mula sa iba’t ibang pribado at pampulikong paaralan sa lalawigan.
Kaugnay ng forum, nagkaroon ng napapanahon at makabuluhang diskusyon ang mga namamahala ng ating mga aklatan base sa temang “The Vision of K-12 in the Library Programs.” Ito ay pinangunahan ni Dr. Regi Rex Tosco ng Department of Education Cavite Division Office. Matapos nito ay nagsagawa din ang asosasyon ng halalan para sa mga bago nilang opisyal kung saan ang ating Municipal Librarian na si Gng. Marissa Dimaranan ay nahalal bilang Auditor.
Binigyang pagkilala naman ng Philippine Librarians Association, Incorporated ang Municipal Library ng General Trias na ngayon ay affiliated na rin sa National Library of the Philippines. Ang Municipal Library ay malaki ang naitutulong sa mga mag-aaral at sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng access sa kanilang koleksyon ng printed and non-printed materials na kakukunan ng iba’t ibang uri ng impormasyong pang-akademiko at recreational.