By the Local Communications Group-Gen. Trias
Agosto 18, 2014 (General Trias, Cavite) – Sa ikatlong pagkakataon, nagsama-sama ang mahigit 600 na kabataan sa taunang General Trias Youth Leaders Summit na ginanap noong ika-16 ng Agosto sa auditorium ng Lyceum of the Philippines University – Cavite Campus. Dinaluhan ito ng mga student council members mula sa pampubliko at pribradong paaralan ng ika-6 na Distrito, gayundin ng mga iba’t-ibang youth organizations sa lalawigan.
Sa temang “Organizing New Young leaders for tomorrow”, binigyang diin sa nasabing libreng leadership seminar ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga batang lider sa paghubog ng ating komunidad. Nagbigay inspirasyon at kaalaman sa mga participants ang mga pinagpipitagang panauhin ng summit. Kabilang dito sina Senator Ferdinand “Bong-Bong” Marcos, Jr., Ms. Risa Hontiveros-Baraquel ng Akbayan, Mr. Kristoffer Martin ng GMA Network, Mr. Ryan Chua ng ABS-CBN News, Mr. Reuben Pangan, SVP Smart Communications, at Fr. Alain Manalo ng Nuestra Señora de Guia Parish.
Dumalo rin upang magbigay ng mahalagang mensahe at suporta sina Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer at Congressman Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV,na mga pangunahing tagapagtaguyod ng proyektong ito at ng kapakanan ng mga kabataan. Kasama rin na dumalo sina Vice-Mayor Maurito C. Sison at mga Sangguniang Bayan Members.
Ang 3rd General Trias Youth Leaders Summit ay maituturing na pinakamalaki at natatanging pagtitipon ng mga kabataang lider sa lalawigan ng Cavite.
Photo credits to Mr. Karlo Sarinas