by the Local Communications Group-Gen.Trias
June 2, 2015 (General Trias, Cavite) – Personal na binisita ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang mga pampublikong paaralan sa bayan ng General Trias nitong Lunes, June 1, kasabay ng unang araw ng klase. Kasama si Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison at mga Sangguniang Bayan Members, nag-inspeksyon ang punong ehekutibo bilang pakikiisa sa Oplan Balik Eskwela, upang masiguro na maayos at ligtas ang mga pasilidad ng mga paaralan sa buong bayan.
Bilang bahagi rin ng kanyang pagsuporta sa sektor ng edukasyon lalo na sa mga mag-aaral na Gentriseño, namahagi si Mayor Ferrer ng libreng school supplies sa mga estudyante mula kinder to grade 6. Ang proyektong ito ay taunang ginagawa ng lokal na pamahalaan upang maibsan ang gastusin ng mga magulang tuwing sasapit ang pasukan. Tinatayang nasa 39,000 na estudyante ang nabigyan ng bagong gamit ngayong school year.
Ayon sa alkalde, prayoridad ng kanyang administrasyon ang mabigyan ng conducive learning environment ang mga estudyante sa General Trias. Patuloy rin aniya ang pagsasagawa ng lokal na pamahalaan ng mga proyektong magtataas ng antas ng edukasyon, tulad ng pagtatayo ng mga bagong school buildings at pamamahagi ng mga makabagong kagamitan gaya ng computer units.
Photo by : Grace Solis