
by the Local Communications Group-Gen. Trias
October 30, 2020 – Ang Pamahalaang Lungsod ng General Trias sa pangunguna ni Mayor Ony Ferrer, Vice-Mayor Morit Sison, mga Sangguniang Panlungsod Members, at sa suporta ni Cong. Jon-Jon Ferrer ay ginunita ang taunang Retired Teacher’s Day bilang bahagi ng National Teachers’s Month alinsunod sa Presidential Proclamation No. 242.
Subalit ang ginawang selebrasyon ngayon ay kakaiba sa mga nakaraang taon. Dahil sa bawal ang pagtitipon-tipon ng maraming tao alinsunod sa patakarang pangkalusugan ng IATF at bilang pagsasaalang-alang na din sa edad ng mga retiradong guro at punong-guro, minabuti ng mga opisyal ng Pamahalaang Panlungsod na magbahay-bahay at bisitahin sa kani-kanilang tahanan ang mga gurong naglaan ng maraming taon sa mga paaralang pampubliko at pribado sa lungsod.
Bawat miyembro ng Retired Teachers Association of General Trias ay nakatanggap ng dalawang buwang suplay ng Vitamin C, face masks, at face shield. Pinagkalooban din sila ng mga food packs mula Maxim Integrated, at Lola Remedios food supplement mula sa Kino Consumer Philippines, Inc.
Sa ganitong paraan, nawala man ang isang masayang pagsasalu-salo, naipadama pa din sa kanila na sa kabila ng kanilang pagreretiro, ang kanilang kontribusyon sa maraming taong paglilingkod ay patuloy na binibigyang halaga at hindi kailanman nakakalimutan.