
Ang mga nakatatanda sa ating komunidad ay patuloy na nagbibigay inspirasyon sa marami nating kababayan. Hindi lamang sila paalaala na dapat nating pangalagaang mabuting ang ating kalusugan kundi larawan din sila ng biyaya ng Diyos na patuloy na nagbibigay sa kanila ng buhay at kalakasan. Kaya naman patuloy din ang ating Pamahalaang Lungsod sa pagkilala at pagbibigay ng espesyal na regalo sa ating mga centenarians.
Nitong ika-20 ng Mayo ay isa na namang senior citizen ang binigyang parangal ng Pamahalaang Lungsod. Sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, kasama sina Vice Mayor Morit Sison at mga konsehal ng Sangguniang Panlungsod, hinandugan si Lola Estefania Sareal Monton ng Barangay Bacao II ng tsekeng nagkakahalaga ng Php 100,000. Sinamahan si Lola Estefania ng kanyang mga kapamilya sa pagtanggap ng pagkilala at regalo sa kinagawiang Monday Flag Raising Ceremony ng Pamahalaang Lungsod.