by the Local Communications Group-Gen.Trias
Oktubre 4, 2016 – Muling ginunita ng lungsod ng Gen. Trias ang pista ng kanilang patron, San Francisco de Asis, sa pamamagitan ng iba’t ibang patimpalak at programa na sadyang nagpasaya sa pagdiriwang ngayong taon na binigyan ng temang, San Francisco: “Mukha ng Awa ni Hesus”.
Naging hudyat na nalalapit na ang pista nang bayan sa pagbubukas ng Fiesta Baratillo na tumatagal hanggang isang makatapos ang buwan ng Otubre. Nasundan ito ng Grand Pasayo – isang Marching Band Competition sa ginanap sa Town Plaza noong Setyembre 29. Nilahukan ito ng 6 na banda – Mardicas Band, St. Joseph Band, St. Augustine Band, Banda Kabataan, Musical Foundation Band, at Sta. Monica Band – na lalong nagpasigla sa selebrasyon.
Ginanap naman ang Nagkakaisang Kababaihan ng Gen. Trias (NKGT) Costume Competition ng mga recycled materials noong Setyembre 30 sa Robinson’s Place Gen. Trias. Nahati sa tatlong kategorya ang NKGT Competition – Goddesses/God, long gown at casual. Ang nagwagi ay pinagkalooban ng Php 15, 000 samantalang ang ikalawang pwesto ay binigyan ng Php 10, 000 at Php 7, 000 para sa ikatlong pwesto. Ang lahat naman ng sumali ay binigyan ng Php 2, 000. Ipinarada din nila ang kanilang mga magagandang likha noong Oktubre 2 sa Town Plaza.
At dahil si San Francisco ay patron ng mga hayop, hindi mawawala ang Pabialahay (Pagbibinyag sa mga Alagang Hayop) na ginanap noong umaga ng Oktubre 2. Sa gabi naman ginawa ang Tugtugan sa Plaza na may temang “Rock Against Drugs” bilang kampanya na rin para sa mga kabataan na umiwas sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Nagkaroon din ng Inter-Tropa Basketball Tournament – 20-6 Ching vs. Veronica’s Café, at Exhibition Game – Team Ony vs. Team Jon-jon na lalong nagbuklod sa mga kalalakihan ng lungsod at nagpatatag ng kapatiran sa lugar. Nanalo sa exhibition game ang Team Ony.
Pinakatampok pa rin sa pagdiriwang ang taunang Karakol na ginanap noong Oktubre 3 na nilahukan ng iba’t ibang sektor ng pamayanan kasama na ang mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Bayan, mga miyembro ng iba’t ibang organisasyon tulad ng Senior Citizens at Nagkakaisang Kababaihan, at maging ang mga guro at mag-aaral ng iba’t ibang paaralan. Napuno ang kalsada ng masasayang tugtugin at makukulay na kasuotan.
Oktubre 4, araw ng piyesta, umaga pa lamang ay maamoy na ang mga masasarap na handa ng mga Gentriseño na nagbukas ng kanilang tahanan upang magiliw na tanggapin ang kanilang mga bisita. Ang iba ay dumaan muna sa simbahan upang makilahok sa Concelebrated Mass bago pumunta sa mga kakilala at mga kamag-anak.
Nagtapos ang kasihayan sa isang makulay, maingay, at magandang fireworks display sa plaza.
Ang matagumpay na pagdiriwang na ito ay sa pagtutulungan nina Cong. Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV, Mayor Antonio “Ony” Ferrer, Sangguniang Bayan Members, Tourism Office at Saint Francis of Assisi Parish Church.
Photos by: Grace Solis