by the Local Communications Group-Gen. Trias
July 26, 2016 – (General Trias City) Mas madali na ang pag-aasikaso ng mga dokumento ng mga Micro, Small, Medium Enterprises (MSMEs) sa pagbubukas ng Negosyo Center sa Lungsod ng General Trias, Cavite nitong July 25, 2016. Pinangunahan ni Department of Trade and Industry (DTI) – Region IVA Regional Director Marilou Q. Toledo at Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang launching at ribbon cutting na ginanap sa city hall. Kasama sa mga dumalo sina DTI – Cavite Provincial Director Noly D. Guevarra, Vice-Mayor Maurito “Morit” C. Sison, Coun. Florencio D. Ayos – Committee Chair on Commerce, Trade and Industry at mga Sangguiang Panlungsod Members.
Ilan sa mga serbisyong hatid ng Negosyo Center ay ang pagproseso ng DTI Business Name Registration at application para sa Barangay Micro Business Enterprise (BMBE). Layunin nitong lalong palaguin ang komersyo at i-develop ang mga maliliit ng negosyo alinsunod narin sa Republic Act No. 10644 o ang Go Negosyo Act of 2014.
Ayon pa kay RD Toledo, magkakaroon din ng mga libreng seminars at business coaching sa mga nagnanais magtayo ng negosyo. Nagpapasalamat din siya sa suportang binibigay ng lokal na pamahalaan ng General Trias sa proyektong ito.
Ang Negosyo Center ay matatagpuan sa 4th Floor ng City Hall. Ito’y bukas Lunes hanggang Biyernes, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.
Photo by: Grace Solis