by the Local Communications Group-Gen.Trias
Isang malaking tulong sa pagnenegosyo sa panahon ngayon ang internet. Hindi tulad noong mga nakaraang panahon na kakailanganin pa ng isang negosyante na dalahin sa pamilihan o personal na ilako ang produkto para makilala at mabili ito, basta mayroon kang internet at social network account ngayon ay mas mabilis nang makikilala ang produkto o serbisyong iyong nais pagkakitaan.
Pero ang tamang paggamit ng internet para sa pagnenegosyo ay kailangan ding matutunan, kasama na ang mga iba’t ibang paraan o strategies para maabot ng mga nagnenegosyo ang kanilang target market. Kaya naman sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias, sa pamumuno ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, sa Department of Trade and Industry Cavite Provincial Office (DTI Cavite), ay naimbitahan si Bb. Jolly Ventura, Marketing Head ng Gardenia Philippines, para magbigay ng dagdag kaalaman sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs). Ang Introduction to Online Marketing ay ginanap noong ika-25 ng Agosto 2017, 1:00 – 5:30 ng hapon sa Robinsons Place General Trias activity center at dinaluhan ng 49 na MSMEs. Ito ay bahagi din ng SME Roving Academy (SMERA) ng DTI.
Sa kanyang presentation, ibinahagi ni Bb. Ventura kung anu-ano ang mga platform na maaring gamitin sa lalong mapalawak ang abot ng produkto, kabilang na ang social media tulad ng Facebook at Instagram. Ang personal branding o paraan ng pagbuo ng image ng isang masipag, pursigido at mapagkakatiwalaang entrepreneur sa katauhan ng nagnenegosyo ay isa ring mahalang sangkap para mas medaling maibenta ang serbisyo o produkto. Kasama rin sa strategies ang Search Engine Optimization (SEO) at Content Marketing tulad ng blogging at video blogs.
Sa modernong panahon, tama lamang na pag-aaralan ang iba’t ibang paraan kung paano makakasunod sa pagbabago at teknolohiya ang pagnenegosyo. Hindi dapat ito maging hadlang kundi dapat na gamitin para sa lalong ikauunlad ng hanapbuhay o mga pinagkakakitaan. At para dito, hindi rin naman magsasawa ang lokal na pamahalaan sa pagsuporta sa mga MSMEs na kabilang sa mga pangunahing bumubuhay sa ekonomiya ng bansa at ng ating One and Only GenTri.