by the Local Communications Group-Gen. Trias
May 20, 2014 (General Trias, Cavite) – Inaprubahan ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang ordinansang ipinasa ng Sangguniang Bayan na nagtatakda sa taunang pagdiriwang ng Retired Teachers Day tuwing ika-5 ng Setyembre sa Bayan ng General Trias. Ang Municipal Ordinance 14-03 na inakda nila Konsehal Kerby J. Salazar, Konsehal Jonas Glyn P. Labuguen, Konsehal Christopher N. Custodio at LNB President Gary Grepo, ay naglalayong bigyang halaga ang kontribusyon ng mga retiradong pampubliko at pribadong guro sa sektor ng edukasyon, at hikayatin ang kanilang partisipasyon sa iba’t-ibang aktibidad at programang lokal na pamahalaan. Nasasaad din sa nasabing ordinansa ang pagbibigay ng pagkilala sa mga natatanging retiradong guro taon-taon.
Sa isang simpleng seremonyang ginawa sa Mayor’s Conference Room, sinaksihan ng may labing-pitong retiradong guro ang pagpirma ni Mayor Ferrer sa ordinansa. Buong puso naman nilang ipinahatid ang kanilang pasasalamat sa hakbang na ito ng lokal na pamahalaan na maituturing na natatangi sa buong probinsya. Dumalo rin sa seremonya ang Chairman at Vice-Chairman ng Committee on Education na sila Konsehal Labuguen at Konsehal Salazar.