by the Local Communications Group-Gen.Trias ~Lyssa Limbo-Rodriguez
Bunsod ng pagkapanalo sa nakaraang halalan nitong Mayo 2016 ng buong lapian ng mga lokal na kandidato mula sa National Unity Party (NUP) sa Lungsod ng General Trias, muling nanumpa sa kanilang mga tungkulin sina Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Vice Mayor Maurito “Morit” Sison, Konsehal Kerby, Salazar, Konsehal Jonas Labuguen, Konsehal Jowie Carampot, Konsehal Mario Amante, Konsehal Tey Martinez, Konsehal Chris Custodio at Konsehal Florencio Ayos. Samantalang unang beses namang nanumpa bilang mga bagong Konsehal ng lungsod sina Konsehal Gary Grepo (dating Tagapangulo ng Liga ng mga Barangay), Konsehal Vivencio Lozares, Jr.(ang dating Punong Barangay ng Prinza), at Konsehal Hernando Granados (dating 3 term Councilor at Municipal Administrator). Ang Oath taking and Inauguration Ceremonies ay ginanap noong ika-29 ng Hunyo sa General Trias Convention Center, sa pangunguna ng unopposed re-elected Congressman ng Ika-Anim na Distrito ng Cavite, Honorable Luis “Jon-Jon” A. Ferrer, IV. Dumalo rin sa pagtitipon ang bagong halal ding Gobernador, Honorable Jesus Crispin “Boying” C. Remulla at ang kanyang kapatid at outgoing Cavite Governor, Honorable Juanito Victor “Jonvic” C. Remulla, Jr.
Sa kanyang mensahe matapos ang panunumpa, ipinaabot ni Mayor Ony ang kanyang taos pusong pasasalamat sa mga GenTriseño sa kanilang suporta sa buong Team GenTri. Ayon sa kanya, ang mga mga programang naaayon sa temang “Disiplina, Wastong Serbisyo, Pagasenso” na nasimulan sa kanyang unang termino ay ipagpapatuloy sa mga susunod pang taon. Suportado din ng pamahalaang bayan ang kampanya ng bagong administrasyon laban sa droga, krimen at korapsyon.
Sa kanya namang mensahe sa Inaugural Session ng Sangguniang Panlungsod nitong nakaraang ika-5 ng Hulyo, ipinahayag ni Mayor Ony ang mga pangunahing isyu sa lungsod na nais niyang bigyang pansin at lutasin. Kabilang dito ang problema sa basura at mabigat na kondisyon ng trapiko. May ilan ding mga ordinansa na hiniling nyang amyendahan ng Sangguniang Panglungsod tulad ng local tax code, posibleng pagtatayo ng City College, pagtatayo ng mga bagong opisina, at reorganisasyon ng pamahalaang bayan upang mas maging epektibo sa paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan. Hinimok nya ang bawat opisyal at kawani na mas pagbutihin pa ang paglilingkod bilang mataas na pagpapahalaga sa tiwalang ibinibigay ng mga mamamayan.
Bilang isang bagong lungsod, hindi maiiwasang maharap ang General Trias sa mga panibagong hamon, ngunit kampante si Mayor Ony na ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga mamamayan ay isang magiging mabisang lakas upang magpatuloy ang pagunlad at pag-angat ng antas ng pamumuhay sa ating One and Only GenTri.
Photo by: Dennis Abrina