by Local Communications Group-Gen. Trias
Matapos ang mapayapa at malinis na halalang ginanap noong Mayo, dumating na ang panahon upang magsimula ang panunungkulan ng mga napili nating mamuno sa ating mahal na Bayan ng General Trias, gayundin ang kakatawan sa Ika-anim na Distrito ng ating lalawigan sa Kongreso. Ika-28 ng Hunyo, Biyernes, nang magtipon-tipon ang buong Team GenTri sa General Trias Convention Center upang manumpa sa kanilang tungkulin at opisyal na tanggapin ang mga responsibilidad na kaakibat ng kanilang mga posisyon. Nagsidalo rin ang kanilang mga pamilya, mga kaibigan at kaalyado mula sa mga bayan ng Tanza, Amadeo at Trece Martires, at mga tagasuporta.
Bilang Panauhing Pandangal, nag-iwan ng makabuluhang mensahe si Gov. Juanito Victor “Jonvic” C. Remulla ukol sa mabilis at patuloy na pag-unlad ng Bayan ng General Trias at ang malaking posibilidad nitong maging lungsod sa loob ng darating na tatlong taon. Magiging kabawasan man daw ito sa kaban ng lalawigan, ayon sa Gobernador, ito naman daw ay magdudulot ng lalong paglago ng Bayan na siya rin naman nilang hinahangad sa pamunuang panlalawigan. Nagpahayag din ng kanyang pagsang-ayon sa panukalang ito si Bise-Gobernador Ramon “Jolo” H. Revilla III. Aniya, makakaasa ang Bayan ng General Trias sa kanyang suporta bilang pinuno ng Sangguniang Panlalawigan.
Gayon na lamang ang pasasalamat ng buong Team GenTri sa suporta at pagmamahal na ipinamalas ng taumbayan noong nakaraang eleksyon. Ngayon ay opisyal nang miyembro ng Sangguniang Bayan, na pamumunuan ni Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison, sina Kon. Walter Martinez, Kon. Jonas Glyn Labuguen at Kon. Florencio Ayos. Makakasama sila ng mga muling nahalal na sina Kon. Kerby Salazar, Kon. Christopher Custodio, Kon. Lamberto Carampot, Kon. Richard Parin, at Kon. Mario Amante.
Mainit na pagsalubong at pagbati ang iginawad sa bago nating Punongbayan na si Atty. Antonio “Ony” A. Ferrer na dating kinatawan ng ating distrito sa Kongreso. Sa kanyang mensahe, bukod sa kanyang taos-pusong pasasalamat, ay ipinahayag din ni Mayor Ony ang kanyang bisyon para sa ating bayan. Bukod sa pagnanais na ito ay maging lungsod, magiging focus din ng kanyang liderato ang Good Governance at pagpapatag ng dekalidad na serbisyo publiko para sa mga GenTriseño.
Magkahalong emosyon naman ang hatid ng mensahe ng bagong Kinatawan sa Kongreso ng Ika-anim na Distrito na si Cong. Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV. Sa pagtatapos ng kanyang ikatlong termino bilang Punongbayan ay nagpasalamat siya sa lahat ng kawani at mamamayan ng General Trias. Ayon sa kanya, ang ano mang narating at naabot ng bayan ay bunga ng pagtutulungan at pagpupunyagi ng bawat isa. Panatag siyang maiiwan ang GenTri sa mas mahusay na mga kamay. Gayundin, ikinagagalak niyang mabigyan ng panibagong mandato at pagkakataon upang makapagsilbi at makapaghatid ng serbisyo sa mas maraming mamamayang Caviteño sa ating distrito. Maipagmamalaki nating sa kasaysayan ng pagkakalikha sa Ika-anim na Distrito ng Cavite, pawang mga anak ng General Trias ang mga nahirang na Kinatawan nito.
Sa panibangong simulang ito, hiniling ng ating mga bagong pinuno ang ating patuloy na pagkakaisa at pagtutulungan para mas marami pang magandang pagbabago para sa mga GenTriseño.