
by the Local Communications Group-Gen. Trias
Isa na sa mga kinagawiang protekto ng Pamahalaang Lungsod ang imbitahan ang Department of Foreign Affairs para sa taunang Passport on Wheels. Nitong ika-8 ng Nobyembre 2019, may 404 ng mga aplikante ang naserbisyuhan ng mobile passporting service na muling ginanap sa Robinsons Place General Trias.
Bagama’t preferably ay para sa mga GenTriseño ang serbisyo, naging bukas ito para sa lahat sa kondisyon na dapat ay sumailalim muna sa pre-registration ang mga aplikante. Ang pre-registration ay isinagawa mula ika-30 ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre para bigyang panahon ang DFA na masuri muna ang mga aplikante kung qualified sila sa mobile passport application at hindi kabilang sa mga tinatawag na special cases katulad ng mga mayroong discrepancies sa pangunahing mga dokumento kagaya ng birth certificate at iba pa. Dahil din limitado lamang ang bilang ng maaring mabigyan ng serbisyo, nararapat lamang ang isinagawang pre-registration para masulit at hindi masayang ang mga slots na ibinigay ng DFA.
Napakalaki ng dalang ginhawa ng serbisyong ito lalo na sa mga kababayan nating naghahanda para sa empleyo sa ibang bansa, dahil sa malaking katipiran sa pera at oras ang mobile passporting.
Ang programang ito ay naging posible sa pagtutulungan ng DFA ng mga tanggapan ng City Civil Registrar’s Office, Local Economic and Investment Promotions Office (LEIPO) at ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) sa pamumuno ni G. Romel D. Olimpo. Malugod na inihandog ni Mayor Ony ang plake ng pasasalamat sa DFA team leader and staff na dumayo sa General Trias para sa serbisyong ito.