by the Local Communications Group-Gen.Trias
Isa sa pinakamaganda at maipagmamalaking kaugalian ng mga Pilipino ang bayanihan. Hango sa mga salitang-ugat nitong bayan at bayani, nakasentro ito sa pagtutulungan ng marami nang walang hinihintay na kapalit.
Buhay na buhay ang diwa ng bayanihan hanggang sa ngayon. Mula sa larawan ng mga mamamayang sama-samang nagbubuhat ng isang bahay kubo tulad ng gawi noong araw, nagkaroon na ng iba’t ibang anyo ang pagbabayanihan nating mga Pilipino. Isa sa modernong mukha nito ngayon ang Brigada Eskwela o Bayanihan para sa Paaralan.
Ang konsepto ng Brigada Eskwela ay mula sa 1998 Adopt-A-School Program ng noo’y Department of Education, Culture and Sports (DECS) kung saan binuksan ng pamahalaan ang oportunidad na makatulong sa pagpapaganda ng mga paaralan para sa mga pribadong indibidwal at grupo, maging mga kumpanya. Dahil sa tagumpay ng programa at para na rin makahikayat nang mas marami pang kababayan na makiisa sa layunin, pormal na inilunsad noong 2003 ang Brigada Eskwela ng DepEd.
Noong ika-15 ng Mayo sa Governor Ferrer Memorial National High School, nagdaos ng kick-off ceremony para sa Brigada Eskwela 2017. Dala ang temang “Isang DepEd, Isang Pamayanan, Isang Bayanihan para sa Handa at Ligtas na Paaralan,” nagsama-sama ang iba’t ibang sector ng pamayanan para makibahagi sa paghahanda ng paaralan at mga kagamitan para sa darating na pasukan. Kaisa ang mga pamunuan ng DepEd at mga guro, dinaluhan ito ng ating mga lingkod bayan Congressman Jon-Jon Ferrer, Mayor Ony Ferrer, Vice Mayor Morit Sison at mga kasamahan sa Sangguniang Panlungsod. Nakilahok din ang mga estudyante, mga magulang, mga kasamahan mula Philippine Army, at mga volunteers mula sa iba pang sangay ng pamahalaan,
Matapos ang opening program ay nagtoka-toka na ang mga nakilahok sa iba’t ibang mga gawain tulad ng paglilinis, pagkukumpuni, pagpipintura, at pagsasa-ayos ng mga kagamitan. Hindi rin pinalampas ng mga kinauukulan ang pagkakataon para masiyasat ang mga gusali at kapaligiran upang tiyaking magiging ligtas ang mga mag-aaral sa kanilang pagbabalik-eskwela ngayong Hunyo.
Bunga ng buong-pusong pagbabayanihan sa natapos na Brigada Eskwela, siguradong maayos, maaliwalas at conducive to learning ang dadatnang paaralan ng mga kabataan ngayong pasukan.
Photo by: Dennis Abrina