by the Local Communications Group-Gen. Trias
March 10, 2015 (General Trias, Cavite) – Daan-daang Gentriseño na ang nabenepisiyohan ng Public Service Caravan na isinasagawa ng lokal na pamahalaan sa inisyatibo ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer. Ang nasabing proyekto ay naglalayong ilapit sa taong-bayan ang iba’t-ibang serbisyo ng munisipiyo kagaya ng medical check-up, libreng gamot, job placement, scholarship, livelihood trainings, legal consultation, pag-proseso ng PWD at solo-parent ID at financial assistance ng MSWD. May libreng masahe din sa mga gustong mag-relaks at guminhawa ang kanilang katawan.
Ayon kay Mayor Ferrer, target nitong maabot ng tulong yung mga residente na walang pagkakataong makapunta ng munisipiyo. Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng proyektong ito ay naipapaalam din sa mamamayan ang iba’t-ibang serbisyong maaaring ibigay ng lokal na pamahalaan. Naging bahagi rin ng proyekto ang National College of Science and Technology (NCST) na nagbigay ng scholarship grant sa kanilang dual training system, sa mga kabataang gustong makapagtapos ng technical and vocational course. Tumulong din sa pagbibigay ng serbisyong medical ang MV Santiago Medical Center – SM Dasmariñas Branch, sa pamamagitan ng libreng random blood sugar testing.
Ginanap ang unang caravan noong March 3 sa Parklane Subdivision, Barangay San Francisco at sinundan nitong March 10 sa Barangay Tejero. Lubos namang inaantabayan ng ibang barangay ang pagdating ni Mayor Ferrer at ang mga serbisyong hatid nito sa kanila.
Photo by: Dennis Abrina