
by the Local Communications Group – Gen. Trias
Ang Social Amelioration Program (SAP) ay isa sa mga pangunahing naging tugon ng pamahalaan para matustusan ang mga pangangailangan ng mga kababayan nating lubos na naapektuhan ng lockdowns bunsod ng COVID-19 pandemic. Dahil sa mga kinakailangang community quarantine, nalimitahan ang galaw ng mga mamamayan kaya’t malaki ang naging epekto nito sa paghahanap-buhay lalo na para sa mga nabibilang sa tinatawag na informal economy kagaya ng mga tsuper, manininda, pahinante, at iba pa, gayundin para sa mga kababayan nating mas nangangailangan gaya ng mga senior citizens, may kapansanan, mga buntis, at solo parents. Para maihatid ang tulong na ito mula sa DSWD, katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa pamimigay nito sa mga tukoy na beneficiaries sa ating mga komunidad.
Dahil dito, ilang araw na naglibot ang ating mga kasamahang kawani ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias para maihatid ang ayudang SAP sa ating mga mamamayan.
Sa pakikipagugnayan at tulungan ng mga pamunuan ng mga nasabing barangay, siniguradong naipapatupad ang mga minimum health and safety protocols sa lahat ng pagkakataon sa mga isinagawang aktibidad. Inaasahang sa pamamagitan ng ayudang ito ay maiitatawid kahit paano ang mga pangangailangan ng bawat pamilya, katuwang ang tugon din ng lokal na pamahalaan na namahagi din tulong sa pamamagitan ng pondong mula sa Pamahalaang Lungsod.