
by the Local Communications Group-Gen. Trias
Ika-3 ng Enero 2022 – Muling binuksan ang satellite Business One-Stop Shop (BOSS) sa Robinsons Place General Trias para sa pagpoproseso ng mga business permit ng mga negosyo sa GenTri, maging new applications at renewals. Para siguradong maipatutupad ang minimum health standards, kinakailangan munang mag rehistro online sa https://generaltrias.gov.ph/bplo dahil nasa 200 lamang ang ipoproseso kada araw. Makakatulong din ito para mas mapabilis ang proseso dahil ang ilan sa mga requirements ay maari nang iupload. Ang satellite BOSS ay tumaggap ng mga aplikasyon mula Enero 3 hanggang Marso 30, 2022, at nakapagproseso ng may 6,196 na business permits.
Bilang tulong naman sa mga micro businesses ngayong pandemya, partikular sa mga sari-sari stores, inaprubahan ni Mayor Ony Ferrer ang City Ordinance No. 22-06 nitong ika-7 ng Marso 2022 na nagtatalaga ng exemption para sa pagkuha at pagbabayad nila ng business permit para sa taong 2022. Tinatayang nasa mahigit dalawang libong sari-sari store owners ang inaasahang makikinabang sa hakbang na ito ng Pamahalaang Lungsod ng General Trias.
Bagamat exempted sa business permit, kinakailangang may DTI Business Name Registration at Barangay Business Clearance upang maging qualified sa nasabing exemption. Para naman sa mga nauna nang makakuha ng business permit, maaari nilang ma-avail ang exemption sa susunod na taon.