by the Local Communications Group-Gen.Trias
16 Oktubre 2017 – Pinangunahan nina Mayor Antonio “Ony” Ferrer at Congressman Luis “Jon-Jon” Ferrer, kasama ang lahat ng bumubuo ng Sangguniang Panlungsod, ang pagdiriwang ng Elderly Week sa General Trias Convention Center. Puno ng kasiyahan at mga regalo para sa may tinatayang 1,020 mga senior GenTriseños ang programa. Bukod sa pagsasama-sama ay pagkakataon din ang pagdiriwang taun-taon na bigyang kasiyahan ang mga nakakatanda sa lungsod na aktibo pa ring sumusuporta at nakikilahok sa mga programang pangkaunlaran sa kani-kanilang mga komunidad.
Dala ang temang Pagkilala sa Kakayahan, Ambag at Paglahok ng Nakatatanda sa Lipunan, binigyang diin ng ating mga lingkod bayan sa kanilang mga mensahe ang mahalagang papel na ginagampanan ng ating mga nakatatanda. Silang mga naunang henerasyon ang naging daan at gabay ng kasalukuyang mamamayan at patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa marami, lalo na sa mga kabataan. Sa patuloy nilang pakikiisa sa mga proyekto ng pamahalaang lokal ay gayun din naman ang patuloy na suporta ng ating pamunuan sa kanilang mga pangangailangan. Tinitiyak ng ating mga lider na ang kanilang mga benepisyo bilang mga naunang nagtaguyod ng ekonomiya ay kanilang matatamasa.
Suot ang kanilang mga cowboy costumes, tumanggap ng mga gift packs at grocery items ang ating mga lolo at lola. Masaya din silang nagindakan at sumali sa mga palaro.Sa pamamagitan ng selebrasyong ito ay lalo pang napatatag ang pagkakaibigan at pagkakaisa ng mga senior citizens ng General Trias.
Ang matagumpay na pagdiriwang ng Elderly Week ay inihanda at pinangasiwaan ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA).