
by Local Communications Group-Gen. Trias
Tuwing Enero taun-taon, isa sa mga responsibilidad ng mga nagmamay-ari ng negosyo na iparehistro ang kanilang mga negosyo at kumuha ng permit upang legal na mapatakbo ang mga ito. Para sa maayos na pagpo-proseso ng mga business permits, mas pinabilis ang serbisyong hatid ng Business One-Stop Shop (BOSS). Katulad nang nakagawian na, nagsasama-sama sa BOSS ang iba’t ibang tanggapang may kinalaman sa pagkuha ng business permit upang maging mas madali sa mga kliyente ang pagkuha nito.
Sa taong ito rin nailunsad ang Integrated Business Permit, na first of its kind sa buong bansa. Pinag-isa d-isa dito ang Barangay Business Clearance, Sanitary Permit, at Mayor’s Permit, kaya’t bukod sa kabawasan sa mga dokumento ay kabawasan din sa oras ng pagpoproseso ang resulta nito. Nakapaloob na rin sa Integrated Permit na ito ang applicable business tax, fees and charges, kabilang na ang fire safety fee.
Dahil sa dami ng mga nagnenegosyo sa Lungsod, muling kinailangang i-extend ang BOSS na pangkaraniwan ay hanggang ika-20 lamang ng Enero. Sa bisa ng isang ordinansa ng Sangguniang Panlungsod na pinagtibay din ng Punong Lungsod, Mayor Ony Ferrer, pinalawig hanggang ika-7 ng Pebrero ang pagre-renew ng business permit nang walang penalty. Ang BOSS ay naging bukas para sa mga GenTriseño mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa 3rd Floor, Audio-Visual Room, City Hall.
May kabuuang bilang ng 6,521 na permit ang nai-issue sa mga negosyante ng Lungsod, isang indikasyon ng patuloy na pagyabong ng lokal na ekonomiya ng ating One and Only GenTri.