by the Local Communications Group-Gen. Trias
Noong Lunes, ika-25 ng Nobyembre, binigyan ng pagkilala sa flag raising ceremony ng Pamahalaang Lokal ang Sangguniang Kabataan Federation President at Ex-Officio Member ng Sangguniang Bayan ng General Trias, Jayvie Arisa I. Simpan. Bago magtapos ang termino ni Konsehala Arisa ngayong darating na ika-30 ng Nobyembre, nais ng ating mga pinuno na bigyan siya ng karampatang pagkilala bilang isang kabataang GenTriseño na naging mahusay na Youth Leader.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Congressman Luis “Jon-Jon” A. Ferrer, IV, na hindi kailangang na nasa posisyon ang isang mamamayang nais maglingkod sa kanyang bayan. Ang pagkakataong ibinigay kay Konsehala Arisa ay ginamit niya nang mabuti upang magsilbing modelo ng kabataang aktibong nakikilahok sa paghubog ng talento at talino ng kapwa nya kabataan. Ang dedikasyon ni Konsehala Arisa ay patunay na magpapatuloy ang kanyang pagtulong sa mga mamamayan sa kabila ng pagtatapos ng kanyang termino.
Kinilala naman ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang husay ni Konsehala Arisa bilang kasapi ng Sangguniang Bayan at bukod tanging SK Federation President na nakapagpasa ng ordinansa sa loob ng kanyang isa at kalahating taong termino. Ang General Trias Tourism Code at ang Resolusyong humihiling sa kongreso na ideklarang non-working holiday ang ika-13 ng Disyembre bilang pagdiriwang sa pagkakatatag ng Bayan ng General Trias ay dalawa sa pangunahing katha ni Konsehala Arisa. Ayon kay Mayor Ony, kung maraming SK leaders ang katulad ni Konsehala Arisa, hindi na kakailanganin pa ng reporma o abolisyon ng Sangguniang Kabataan. Sinegundahan naman ito ni Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison na naniniwalang bata pa man si Konsehala Arisa ay nakapagiwan na siya ng pamana sa bayan sa pamamagitan ng kanyang mga ordinansa.
Tumanggap si Konsehala Arisa ng Plake ng Pagkilala sa harap ng kanyang pamilya, mga kapwa-opisyal ng SK, mga kasamahan sa Sangguniang Bayan at sa Pamahalaang Bayan. Sa kanyang huling araw sa sesyon ng Sangguniang Bayan, ipinaabot ng pinakabatang Konsehal ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa bawat kasama sa paglilingkod at sa mga itinuturing niyang mentors sa serbisyo at pamunuan. Magiging huling proyekto ni Konsehala Arisa ang pangunguna sa pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan sa darating na lingo kung saan magkakaroon ng eleskyon ng Little Youth Officials. Matatandaang sa bisa ng isang batas na nilagdaan ng Pangulong Aquino noong ika-3 ng Oktubre, ipinagpaliban ang dapat sana ay eleksyon ng mga bagong kasapi ng Sangguniang Kabataan sa mga barangay noong ika-28 ng Oktubre sa dahilang may mga repormang nais ipatupad para sa sistema ng SK ang Kongreso kung kaya’t wala pang nakatalagang papalit sa mga outgoing SK leaders.