by the Local Communications Group-Gen. Trias
February 17, 2015 (General Trias, Cavite) – Ngayong buwan ng Pebrero ay ipinagdiriwang ang 24th National Arts Month, na naglalayong bigyang halaga ang natatanging kultura at sining ng ating bansa. Sa bayan ng General Trias malaki ang papel na ginagampanan ng sining, lalo na ang musika sa pangaraw-araw na buhay ng mga Gentriseño. Dito nagmula ang kilalang grupo ng musikero na tumugtog ng Lupang Hinirang noong i-proklama ang ating kalayaan noong 1898 sa bayan ng Kawit, ang Banda San Francisco de Malabon. Mula sa kanila ay umusbong ang iba’t-ibang talento at grupo na lalong nagpayaman at nagpatingkad sa kultura ng bayan.
Kamakailan lamang, isa sa ipinagmamalaking banda ng General Trias, ang Sta. Cecilia Band 89 ang muling nag-uwi ng karangalan sa bayan nang itanghal itong kampeon sa ginanap na Cetarmen o Serenata Competition sa Sta. Maria, Bulacan noong February 4, 2015. Sa pangunguna ng kanilang conductor na si Professor Frenvee Clarito Andra, inuwi rin nila ang tropeyo bilang Best in Uniform, 2nd Place-Group Majorette Performance at 3rd Place-Marching Band Competition. Dahil dito, kinilala ng Lokal na Pamahalaan ng General Trias sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang natatanging achievement na ito na nagsisilbing inspirasyon sa iba pang musikero ng General Trias.
Dumalo sa pagkilala na ginanap sa town plaza bilang kinatawan ni Mayor Ferrer si Ma. Melanie Balanag – Chief of Staff, Office of the Mayor, gayundin sila Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison at mga Miyembro ng Sangguniang Bayan. Nagpaunlak naman ng isang tugtugin ang Sta. Ceclia Band 89 bilang pasasalamat sa lokal na pamahalaan at sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kanilang layunin.
Photo by: Grace Solis