by the Local Communications Group-Gen. Trias
Tinanghal na kampeon sa naganap na WCSU Meet na ginanap noong October 18-20 sa Naic ang mga kabataang manlalaro (Elementary at High School) ng General Trias. Ang West Cavite Sports Unit ay binubuo ng anim na bayan sa kanlurang bahagi ng lalawigan kabilang ang General Trias, Maragondon, Naic, Tanza, Trece Martires City at Ternate. Taun-taon ay ginaganap ang palarong ito upang mapagyaman ang mga abilidad ng mga kabataang Caviteño at mapili ang mga pinakamahuhusay na atletang lalahok sa Provincial Meet hanggang sa Palarong Pambansa.
Ayon kay Mr. Bienvenido Ferrer, Jr. na tumatayong Physical Education and School Sports Administrator ng DepEd District I, labintatlong taon (13 consecutive years) nang hawak ng Team General Trias ang pagiging Overall Champion sa Elementary Division. Sa natapos na sports meet, champion ang mga batang GenTriseño sa mga sumusunod na sports events: Athletics (Boys & Girls), Volleyball (Boys), Basketball, Softball, Baseball, Tennis (Boys & Girls), Table Tennis (Boys & Girls), Chess (Boys & Girls), Football, at Swimming (Boys & Girls).
Samantalang sa High School Division naman, itinanghal ding Overall Champion ang Team General Trias. Ayon kay Mr. Jun Paraiso, Assistant Athletic Manager ng General Trias Delegation, umani ang General Trias ng championship sa mga sumusunod na sports events: Basketball (Boys & Girls), Volleyball – Boys, Boxing, Swimming, Arnis, Baseball, Gymnastics (Boys & Girls), Athletics (Boys & Girls), Badminton (Boys & Girls), Chess (Boys & Girls) at Table Tennis (Boys & Girls). Ika-limang sunod na taon na itong hawak ng Team General Trias High School Division ang titulo.
Ganoon na lamang ang tuwa ng ating Punong Bayan, Kgg. Antonio “Ony” A. Ferrer, sa karangalang muling iniuwi ng buong delegasyon ng kabataang manlalaro ng General Trias na binubuo ng mga mag-aaral mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Hindi nabigo ang lokal na pamahalaan sa suportang ibinigay sa mga batang atleta kaya’t ang karangalang ito ay maituturing ding tagumpay ng buong bayan ng General Trias. Karamihan sa mga atleta ay napili upang lumahok at kumatawan sa West Cavite sa darating na Provincial Sports Meet na gaganapin sa ika 20-23 ng Nobyembre sa Tagaytay City.