by the Local Communications Group-Gen.Trias
December 10, 2014 (General Trias, Cavite) – Sampung indibidwal mula sa bayan ng General Trias ang napiling mapabilang sa proyektong pangkabuhayan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Ginebra San Miguel at San Miguel Foundation,na inilunsad sa audio-visual room ng munisipiyo ng nasabing bayan.
Ang mapapalad na beneficiaries ay nakatakdang magtapos ng kursong bartending sa General Trias MSWD Training and Productivity Center at mabibigyan pa ng karagdagang kaalaman sa pamamagitan ng nasabing programa. Pagkakalooban din sila ng San Miguel Foundation ng initial set ng bartender’s uniform at isang mobile bar, na magagamit nila upang kumita at matutong magpalakad ng sarili nilang negosyo.
Ipinahatid naman ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer ang kanyang lubos na pasasalamat sa TESDA at San Miguel Foundation sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Mr. Romel D. Olimpo – OIC, Economic Enterprise and Investment Promotions Office. Sa mensaheng ipinaabot ng alkalde, pinuri nito ang pagtutulungan ng pribadong sektor at gobyerno, sa pagbibigay ng magandang oportunidad sa mamamayan. Nangako rin siya ng kanyang suporta sa mga proyektong magbibigay ng kabuhayan at kaunlaran sa mga Gentriseño.
Sa mensahe naman ni Ms. Rebecca Generoso – Municipal Social Welfare and Development Officer, hinimok niya ang mga beneficiaries na pag-ingatan at pagyamanin ang biyayang kaloob ng TESDA at San Miguel upang maging matagumpay ang nasabing proyekto. Pinasalamatan naman ni Provincial Director Leticia Ogbac ng TESDA Cavite ang local na pamahalaan sa patuloy nitong pagsuporta sa technical and vocational education at iba pang programa ng nasabing ahensiya. Nagpaabot din ng kanyang pasasalamat si Ms. Nadia Abcede – Business Affairs and Communications Manager ng Ginebra San Miguel, Inc.sa local na pamahalaan, particular sa pag-host nito ng project launching. Inihayag pa niya na isa lamang ito sa mga programang pang-komunidad na isasagawa ng San Miguel sa General Trias.
Dumalo rin sa nasabing okasyon sina Executive Director Martha Hernadez ng TESDA, ROD Chief Ava Heidi Dela Torre ng TESDA IV-A, Rona Mei Tanchico – Program Associate ng San Miguel Foundation at mga mag-aaral at trainors ng MSWD Training and Productivity Center sa pangunguna ng person in-charge na si Ms. Imelda Bulanhagui.