by the Local Communications Group-Gen. Trias
October 6, 2014 (General Trias, Cavite) – Napuno ng makabuluhang mga aktibidad ang pagdiriwang ng taunang pista ng bayan sa General Trias. Sa temang“Ngiti ng mga lay kong pumapasan sa Krus ni Kristo,”naging layunin ng selebrasyon na makapaghatid ng ligaya sa mga mananampalatayang Gentriseño at mas pagtibayin ang pagkakaisa sa pamayanan.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pagbubukas ng Fiesta Baratillo noong August 15, kung saan nakakapamili ng iba’t ibang gamit at mga damit sa murang halaga. Dahil ang panahon ng Kapaskuhan para sa atin ay nag-uumpisa tuwing“-Ber Months,” naging patok ang baratillo para sa mga mamimiling nagkaroon ng maagang Christmas shopping.
At dahil ito’y kapistahan ni San Francisco de Asis o “Tata Kiko”, nakilala bilang patron ng mga hayop at ng kapaligiran, idinaos din ang taunang Pabialahay o Pabinyag sa mga Alagang Hayop noong September 27,sa town plaza. Kasabay nito ay nagbigay din ng libreng anti-rabies vaccine ang Municipal Agriculture Office sa lahat ng mga aso at pusa na pinabinyagan sa araw na iyon.
Matapos ang Pabialahay ay binuksan naman ang General Trias Champion Basketball League Eliminations sa General Trias Sports Complex, kalahok ang 16 na koponan mula sa iba’t ibang bayan. Itinuloy ang eliminations kinabukasan na sinundan naman ng entertainment na hatid ng Live Bands naWise Track at Kerplunk. Ginanap ang finals ng liga noong October 1,kung saan itinanghal na kampeonangTeam Noveleta. Sila ay ginawaran ng Php 20,000 at Perpetual Trophy.Kabilang din sa mga nanalong koponan ang Team Gentri 1, MV Santiago at Team Gentri A.
Parte din ng kapistahan ang Costume Parade na isang environmental awareness campaign. Inorganisa ito ng Nagkakaisang Kababaihan ng General Trias at nagtanghal ng iba’t ibang mga kasuotang gawa sa mga recycled materials. Mula sa 35 na grupong lumahok, nahirang na panalo ang mga Barangay ng Pasong Kawayan II – kinatawan ni Frizza Oseo na nagkamit ng Unang Gantimpala; Barangay Santiago – kinatawan ni Shiela Mangubat na nagkamit ng ikawalang gantimpala; at Barangay San Franciso – kinatwan ni Sherry Ann Ignacio na nagkamit ng ikatlong gantimpala. Ginawaran ang mga nagwagi ng cash prize, trophy at sash.
Hindi naman mawawala ang tradisyunal na Karakol na ginanap noong October 2, bilang pasasalamat sa mga biyayang natanggap ng mga deboto ni Tata Kiko. Nakisaya ang mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Bayan sa pangunguna ni Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Cong. Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV, Vice Mayor Maurito “Morit” C. Sison,mga Sangguniang Bayan Members, gayundin ang Nagkakaisang Kababaihan ng General Trias, mga opisyal at kawani ng iba’t ibang barangay, samahan ng mga Senior Citizens, mga guro at mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan, at iba pang mga organisasyon sa komunidad tulad ng Cavite Varsitarian at Joggers Club.
Upang ipakita naman ang natatanging galing sa musika ng mga Caviteño, nagtagisan sa pagtugtog ang iba’t-ibang banda mula sa iba’t-ibang dako ng probinsya sa Grand Pasayo o marching band competition na ginanap sa town plaza noong October 3. Sa taong ito, 11 Marching Bands ang nagtagisan ng husay at kumatawan sa mga Barangay ng Bagumbayan (Sta. Cecilia Band), Prinza (Banda Kabataan 77), Governor Ferrer (Sta. Veronica Band), Dulong Bayan (San Lorenzo Ruiz Band), 1896th (Banda Matanda), Arnaldo (St. Agustine Band), Corregidor (St. Francis Band), San Gabriel (El Governador Band), Sampalucan (Banda Kabataan), Sta. Clara (Banda Maliksi Uno), at Vibora (Community Wind Ensembles Band). Nangibabaw sa Parade and Exhibition ang El Governador Band mula sa Bayan ng Bacoor na kumatawan sa Barangay San Gabriel na ginawaran ng isang bagong Bombo.
Bilang grand finale, nagkaroon ng Town Fiesta Concert na inihandog ni Congressman Jon-Jon Ferrer at engrandeng fireworks display noong October 4, o ang mismong araw ng Kapistahan. Hitik sa kultura at kasiyahan, muling naidaos nang maluwalhati ang pasasalamat at pagpupugay ngayong taon para kay Tata Kiko.