by the Local Communications Group-Gen. Trias
May 15, 2015 – Muling ginanap sa General Trias Convetion Center ang taunang pagkilala sa husay ng kabataang Gentriseño ng Pamahalaang Bayan, ang Gawad Parangal. May kabuuang bilang na 675 na kabataan ngayong taon ang tumanggap ng pagkilala dahil sa kanilang angking talino at sipag sa pang-akademikong larangan – 376 mula sa elementarya, 211 mula sa high school, 27 mula sa kolehiyo at 61 mula sa mga hanay ng pumasa sa Bar Exam, Board Exam at iba pang Licensure Exam.
Panauhing Pandangal ngayong taon si Prof. Fredeline “Poppee” R. Parin na kinikilalang isa sa pinakamahuhusay na musikero ng bansa partikular sa pagtutog ng trumpeta. Kasalukuyang propesor sa University of the Philiipines – College of Music, principal trumpet player ng Philippine Philharmonic Orchestra at miyembro ng International Trumpet Guild, lubusang nalinang ni Prof. Popee Parin ang kanyang talento sa musika at patuloy itong ibinabahagi sa iba sa pamamagitan ng pagtuturo. Dahil sa kanyang husay, siya rin ang natatanging Pilipino na kinilala sa librong “Trumpet Greats.” Sa kanyang mensahe, hinikayat niya ang mga kabataan na patuloy na magsumikap sa kanilang mga larangan para maabot ang kanilang mga parangap. Sa kanyang mga narating at sa dedikasyon ni Prof. Poppee na patuloy na humuhubog ng galing ng kabataan, tunay syang nagsisilbing inspirasyon sa marami.
Tulad ng nakagawiang tradisyon, nagtipon ang mga lingkod bayan para sa Gawad Parangal sa pamumuno ng ating Punong Bayan, Mayor Antonio “Ony” Ferrer, kasama si Congressman Luis ” Jon-Jon” A. Ferrer IV at ang buong kasapian ng Konseho sa pangunguna ni Vice Mayor Maurito “Morit” Singson.
Patuloy na dumarami ang kinikilala sa taunang Gawad Parangal na maaring isang indikasyon na ang paglinang ng kanilang talino at patuloy na pagsusumikap sa pag-aaral ay lalong pinahahalagahan ng mga kabataang Gentriseño.
Photo by: Grace Solis