by Local Communications Group-Gen.Trias
Ang mabigat na daloy ng trapiko sa Manggahan Junction ay isang problemang iniinda ng mga motorista. Dahil bahagi ito ng Governor’s Drive na isa sa mga pangunahing kalsada sa lalawigan, dagdag ang mga patuloy na dumaraming commercial establishments at paaralang malapit dito, hindi talaga maiiwasang magkarami ang mga sasakyan at commuters lalo na tuwing rush hours. Ilang traffic management schemes na ang sinubukan upang mapabilis ang pagdaloy ng mga sasakyang dumaraan dito.
Upang matugunan ang problema ng trapiko sa Manggahan Junction, nagkaisa ang Pamahalaang Bayan ng General Trias, ang kinatawan ng Ika-anim na Distrito ng Cavite at ang Suntrust Properties, Incorporated, na pagtulungan ang isang proyektong makakabawas sa dami ng sasakyang gumagamit ng nasabing intersection. Sa pangunguna nina at Congressman Antonio “Ony” A. Ferrer at Mayor Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV, pormal na binuksan ang Governor’s Drive-Governor’s Hills Diversion Road noong March 11, 2013 sa pamamagitan ng isang Ceremonial Ribbon Cutting and Inauguration Program. Dinaluhan ito ng mga kinatawan ng Suntrust Properties, Incorporated, mga Department Heads ng lokal na pamahalaan, mga kapitan ng barangay, at ng mga residente ng Governor’s Hills. Kasama sa inauguration program ang pirmahan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng General Trias LGU, Office of the Representative of the 6th District of Cavite at Suntrust Properties, Inc. patungkol sa improvements, operation and maintenance para sa diversion road.
Ang 15-meters by 600-linear meters 2-lane diversion road na ito ay pinondohan mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Congressman Ony Ferrer na nagkakalahaga ng mahigit-kumulang sampung milyong piso (Php 10M). Ito ay magsisilbing alternatibong daan ng mga sasakyan papunta sa mga barangay ng Biclatan, Javalera, Panungyanan at Alingaro, at sa mga bayan ng Amadeo, Silang at Tagaytay. Gayundin, ang mga sasakyang galing sa mga nasabing lugar ay maari nang makaiwas sa mabigat na trapiko sa Manggahan kung sila’y papuntang Dasmariñas at ibang bayan sa gawing hilaga ng Cavite. Dahil hagip ng kalsadang ito ang isang pribadong subdivision ng Suntrust Properties, Inc., bukas ito sa publiko mula 6:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi lamang.
Ayon kay Municipal Planning and Development Coordinator Engr. Jemie Cubillo, ang natapos na proyekto ay Phase I pa lamang. Ito ay dadagdagan pa ng tig-isang lane sa magkabilang panig upang mas maraming sasakyan ang maaring makagamit. Ang pailaw sa kalsadang ito ay popondohan at ipapa-ayos ng Suntrust Properties, Inc. habang ang linya ng kuryente ay sagot naman ng Pamahalaang Bayan – isang maganda at konkretong halimbawa ng Public-Private Partnership (PPP). Isa ang kalsadang ito sa mga priority projects patungo sa mas ikauunlad ng bayan ng General Trias. Hindi man nawawalan ng suliranin ang isang bayan, ang mga mabisa at maayos na solusyon ay patuloy na sisibol sa pagkakaisa at aktibong pagtutulungan.