by the Local Communications Group-Gen.Trias
Setyembre 7, 2017 – Nilagdaan nina Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer at Governor Jesus Crispin “Boying” C. Remulla ang kasunduan o Memorandum of Agreement na pinagtitibay ang paglilipat ng buong pamamahala ng General Trias Medicare Hospital mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite patungo sa Pamahalaang Lungsod ng General Trias.
Ang General Trias Medicare Hospital na isang primary health care facility ang nag-iisang pampublikong ospital sa lungsod na pangunahing nagbibigay ng mga serbisyong pangkalusugan sa mga Gentriseño, lalo sa mga lubos na nangangailangan. Ito ay naitatag sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan bilang isa sa mga satellite hospitals ng Provincial Health Office (PHO), kung kaya’t ang pangangasiwa at operasyon nito nasa ilalim din ng PHO.
Ang pagpapahayag ng lokal na pamahalaan ng General Trias ng kanilang insiyatibong pamahalaan ang Medicare at patakbuhin ito gamit ang pondo ng lungsod ay kinilala ng Gobernador at matapos ang ilang pag-aaral ay inapubrahan ang turnover process. Kabilang sa kasunduan ang paglilipat ng pagmamay-ari ng Medicare sa lungsod, ang pangkalahatang pangangasiwa nito, ang staffing at operations.
Bagama’t hindi naman nagkaroon ng problema sa operasyon ng Medicare, ang dati nitong katayuan bilang isang satellite hospital ay nagtatakda ng ilang limitasyon sa saklaw ng pamahalaang lungsod sa pagpapatakbo nito. Sa magandang pagbabagong ito, aasahang mas magiging epektibo at mahusay ang paghahatid ng serbisyo sa mga Gentriseño dahil maari na rin nitong ipatupad ang mga programang pangkalusugan ng Pamahalaang Lungsod.
Photo by: Grace Solis