by the Local Communications Group- Gen. Trias
February 6, 2014, General Trias, Cavite – Pinangunahan ni Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV, Kinatawan ng Ika-6 na Distrito ng Cavite at Antonio “Ony” A. Ferrer, Punong Bayan ng General Trias ang ground breaking ng kauna-unahang pedestrian overpass sa nasabing distrito na ginanap sa Lyceum of the Philippines University – Cavite kung saan din ito itatayo. Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang diin ni Mayor Ony Ferrer ang kaginhawaan at kaligtasang dulot ng nasabing overpass sa mga estudyante at guro ng nasabing unibersidad maging sa mga commuters. Dagdag pa niya, ang proyektong ito’y sumisimbulo sa pagkakaisa,pagtutulungan at pagmamahal sa bayan. Malugod namang pinasalamatan ni Congressman Jon-Jon Ferrer ang lahat ng tumulong upang maisakatuparan ang proyektong ito na matagal niya nang minimithi. Lubos din ang pasasalamat ni Atty. Roberto Laurel, presidente ng Lyceum of the Philippines University sa magkapatid na Ferrer at ipinangako ang patuloy nilang pakikiisa sa magagandang adhikain ng lokal na pamahalaan upang lalong mapaunlad ang Bayan ng General Trias.
Dumalo rin sa nasabing ground breaking ang buong Sangguniang Bayan ng General Trias sa pangunguna ni Vice Mayor Maurito Sison, gayundin ang mga kinatawan ng DPWH sa pangunguna ni District Engineer Oscar dela Cruz, RW3 Construction sa pangunguna ng president nitong si G. Robert Ignacio na siyang contractor ng nasabing proyekto.
Ang Governors Drive Pedestrian Overpass ay may makabagong design na kinabibilangan ng lighting fixtures at dalawang elevator para sa mga persons with disabilities (PWDs). Inaasahang matatapos ito sa loob ng tatlong buwan.