by the Local Communications Group-Gen.Trias
September 8, 2014 (General Trias, Cavite) – Sama-samang ipinagdiwang ng may 60 retiradong guro ang kauna-unahang Retired Teachers Day sa bayan ng General Trias noong September 5, 2014. Ito’y sa bisa ng Sangguniang Bayan Ordinance No. 14-03, na nagtatakda sa nasabing araw bilang taunang pag-gunita sa kabayanihan at kontribusyon sa lipunan ng mga retiradong guro, principals at district supervisors na nagsilbi sa ating bayan.
Sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang banal na misa na ginanap sa munisipiyo na dinaluhan din ng mga kawani ng lokal na pamahalaan. Sinundan ito ng isang simple ngunit makabuluhang programa sa King Bee Chinese Restaurant sa Barangay Manggahan, kung saan binigyang pagkilala at kasiyahan nila Cong. Luis “Jon-Jon” A. Ferrer, Mayor Antonio “Ony” A. Ferrer, Vice Mayor Maurito C. Sison at mga Sangguniang Bayan Members, ang mga miyembro ng Retired Teachers Association of General Trias. Sa nasabing okasyon, nanumpa rin sa tungkulin kay Mayor Ony Ferrer ang mga bagong talagang opisyales ng association.
Nagbigay naman ng mensahe ng pasasalamat si Ginang Melita Patriarca, President ng Retired Teachers Association of General Trias para sa pagpapahalagang ibinigay sa kanila ng magkapatid na Ferrer. Samantala, sa mensaheng ibinigay ni Cong. Jon-Jon Ferrer at Mayor Ony Ferrer, pareho nilang binigyang diin ang mahalagang papel na ginampanan ng mga retiradong guro sa paghubog ng kaisipan at pagkatao ng kanilang mga naging estudyante na ngayon ay mga doctor,engineers,teachers at government officials na nagsisilbi na rin sa ating komunidad. Nagpaabot din ng pagbati si Vice Mayor Morit Sison at ang Chairman at Vice Chairman ng SB Committee on Education na sina Konsehal Jonas Glyn P. Labuguen at Konsehal Kerby J. Salazar na siyang nangasiwa sa proyektong ito.
Photo credits to: Karlo Sarinas