by Local Communications Group-Gen.Trias
August 1, 2012 – Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga barangay sa ating lipunan. Bukod sa pananatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang mga nasasakupan, ang pamahalaang barangay din ang unang takbuhan ng mamamayan pagdating sa pagresolba ng ilang isyung legal. Kaya naman sa pangunguna ng Training and Convention Division ng UP Law Center at sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP), ay isinagawa noong July 26 – 27, 2012 ang Barangay Legal Education Seminar (BLES) na dinaluhan ng mga punong barangay at ilang kagawad mula sa 33 barangays ng General Trias.
Iba’t-ibang kaalaman ang ibinahagi sa mga dumalo tulad ng katarungang pambarangay, pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot, pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga bata at kababaihan, actions for the recovery of property, at ang mga ginagampanan ng PNP sa lipunan.
Dumalo rin upang magbigay suporta sa nasabing programa sina Cong. Antonio “Ony” A. Ferrer ng ika-6 na Distrito ng Cavite, Mayor Luis “Jon-Jon” A. Ferrer IV, PSSUPT. John C. Bulalacao, CSEE – Provincial Director ng Cavite Police Provincial Office at Prof. Eduardo A. Labitag – Project Director, BLES & POPLAW Seminar, Training & Convention Division ng UP Law Center.
Layon ng programang ito na lalong palawakin ang kaalaman sa batas ng mga opisyal ng barangay upang mas epektibo nilang magampanan ang kanilang tungkulin sa bayan.