by Local Communications Group-Gen.Trias
Agosto 16, 2012 – Sa gitna ng pinsalang idinulot ng habagat at bagyong Gener, ay nangibabaw parin ang bayanihan at pagkakawang-gawa sa mga Filipino. At noong ngang ika-15 ng Agosto ay pinanungahan ng ating Bise-Presidente Jejomar “Jojo” C. Binay sa isang relief operation na ginawa sa Gen. Trias Cultural & Convention Center, ang paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating Gentriseño na naapektuhan ng masamang panahon. Bukod sa relief goods na ipinamahagi sa limang-daang pamilya ay hatid din niya ang magandang balita para sa mga miyembro ng PAG-IBIG Fund na nagnanais makakuha ng calamity loan. Ayon kay Binay, mas mabilis ang papoproseso ng nasabing pautang at ito’y may mas mababang interest. Malapit sa puso ni Binay ang Bayan ng General Trias dahil ito’y isang sister-municipality ng Lungsod ng Makati na kanyang dating pinamunuan bilang alkalde. Pinasalamatan naman ni Mayor Luis “Jon-Jon” Ferrer IV, Cong. Atonio “Ony” Ferrer ng ika-6 na Distrito ng Cavite at mga miyembro ng Sangguniang Bayan ang tulong na hatid ng bise presidente.
Samantala, isa rin sa pinagmamalaki ng lokal na pamahalaan ang magandang relasyon at pakikipagtulungan nito sa pribadong sektor. At ipinamalas nga ng Lyceum of the Philippines University – Cavite Campus ang malasakit nila sa kanilang komunidad nang magsagawa rin sila ng isang relief operations noong ika-14 ng Agosto sa Gen. Trias Cultural & Convention Center sa pangunguna ng kanilang head ng community outreach na si Ms. Evangeline G. Aviñante. Kasama ang ilang estudyante, guro ng unibersidad at kawani ng Municipal Social Welfare and Development Office ay namahagi sila ng relief goods sa dalawang-daang pamilya. Ayon kay Aviñante, mahalagang maimulat sa mga kabaataan ang bolunterismo at pagkakawang gawa upang magkaroon sila ng malasakit sa kapwa at sa bayan.