by the Local Communications Group-Gen. Trias
Sa pagbubukas ng panibagong taon, nagbahagi ng isang makabuluhang mensahe ang ating Punong Bayan, Mayor Antonio”Ony” A. Ferrer, matapos ang unang flag raising ceremony para sa taong ito noong Lunes, ika-6 ng Enero.
Ayon kay Mayor Ony, bagama’t marami na ring maliliit na proyekto ang natapos noong 2013, ang nakaraang taon ay nagsilbing epektibong transition period kung saan itinugma ang mga internal systems ayon sa pangkalahatang programang inilatag ng bagong pamunuan. Dagdag niya, nakatakda ngayong 2014 na mag-kickoff o agad na maumpisahan ang implementasyon ng mas malalaking proyektong tiyak na lalo pang magaangat ng kalidad ng serbisyo para sa mga mamamayan.
Bilang pasimula, agad na binuksan ang Business One-Stop Shop noon ika-2 ng Enero para sa mga magpaparehistro at magre-renew ng kanilang mga business permits. Nagtutulungan ang mga kawani ng BIR, MENRO, RHU, BFP, MTO, at BPLO upang mabilis na maproseso ang mga dokumento at requirements para sa business permits. Kasabay ng mga ito ay nagbibigay assistance din ang lokal na pamahalaan sa business name registration sa DTI para sa mga bagong negosyo. Hinikayat ng Punong Bayan na samantalahin natin ang mga serbisyong ito habang maaga upang makaiwas sa penalties at iba pang disadvantages ng late registration. Isa rin itong mabisang paraan para sa ating mga negosyante, maliit man o malaki, upang produktibong makibahagi sa pagpapalago ng bayan.
Ang BOSS ay bukas hanggang ika-7 ng Pebrero, sa halip na hanggang ika-20 ng Enero lamang, sa bisa ng isang resolusyon ng Sangguniang Bayan, upang mabigyan ng karagdagang araw ang marami nating kababayang negosyante.
Sa kanyang pagbati, muling binigyang diin ni Mayor Ony ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat mamamayan para sa patuloy na pagunlad ng ating One and Only GenTri.